--Ads--

Pinabulaanan ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pahayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na nakumpirma ng testimonya ni Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura ang alegasyon nitong tumanggap ang Bise Presidente ng pera mula sa isang bansang itinuturing na hostile foreign country.

Ayon kay Duterte spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr., walang kinumpirma si Buenaventura na ilegal ang pinagmulan ng anumang perang iniuugnay kay VP Sara, na itinago ito, o na pag-aari mismo ng Bise Presidente.

Giit ni Panelo, ang tanging lumitaw umano ay ang pagkakaroon ni Trillanes ng impormasyon na sinasabi niyang ilegal na nakuha at posibleng lumabag sa Anti-Money Laundering Act at bank secrecy laws.

Samantala, tinawag ni Panelo si Trillanes na isang “professional anti-Duterte propagandist” at inakusahan itong gumagamit ng hearsay, tsismis, haka-haka at kasinungalingan para punan umano ang mga kakulangan sa ebidensiya ng prosecution panel.

--Ads--

Matatandaang sinabi ni Buenaventura sa impeachment trial na nakatanggap ang Cale88 Foods Corp., kumpanyang iniugnay kay Manases Carpio, ng P319.3 milyon na remittances mula China at Hong Kong.