--Ads--

Maaaring ideklarang walang bisa ang isang kasal na isinagawa nang walang marriage license kung mapatunayang mali o peke ang affidavit na nagsasaad na limang taon nang nagsasama bilang mag-asawa ang magkapareha, ayon sa Korte Suprema.

Sa desisyong inilabas ng Supreme Court, pinagtibay nito ang mga naunang ruling ng Court of Appeals at Regional Trial Court na nagdeklarang invalid ang naturang kasal.

Ayon sa SC, hindi natugunan ng mag-asawa ang rekisito ng batas para sa exemption sa marriage license matapos mapatunayang hindi totoo ang kanilang affidavit of cohabitation.

Nagsimula ang kaso nang maghain ng petition for declaration of nullity ang lalaki noong 2013. Iginiit nito na hindi tama ang kanilang deklarasyon na nagsasama na sila bilang mag-asawa mula pa noong 2003 dahil tatlong taon sa panahong iyon ay nagtatrabaho siya sa ibang bansa.

--Ads--

Nagpakasal ang dalawa noong Mayo 2009 nang walang marriage license at ginamit bilang batayan ang affidavit na nagsasabing mahigit limang taon na silang nagsasama.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang limang taong tuloy-tuloy na pagsasama bilang mag-asawa ay mahalagang kundisyon upang ma-exempt sa pagkuha ng marriage license bago ikasal.