--Ads--

Muling binasag ni Kayla Sanchez ang sarili niyang national record sa women’s 100-meter freestyle sa 2026 Asian Games sa Tokyo Aquatics Center nitong Martes.

Nagtala si Sanchez ng 53.65 seconds para malampasan ang dati niyang record na 53.67 seconds na naitala noong 2024.

Gayunman, nagtapos siyang ikaapat at 0.18 seconds lamang ang pagitan sa bronze medalist na si Cheng Yujie ng China na nagtala ng 53.47 seconds.

Nasungkit ni Hong Kong’s Siobhan Haughey ang gold sa oras na 52.45 seconds, habang silver si Yun Yiting ng China sa 53.21 seconds.

--Ads--

Ito na ang ikalawang national record na nabasag ni Sanchez sa Asian Games matapos niyang i-reset ang women’s 50-meter backstroke record noong Lunes.

Babalik sa pool si Sanchez bukas para sa women’s 100-meter backstroke, kung saan target niyang makapaghatid ng unang swimming medalya ng Pilipinas sa Asian Games sa loob ng 28 taon.

Samanatala, patuloy na nangunguna ang China sa medal standings ng 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan matapos makalikom ng 28 gintong medalya, 12 pilak at 7 tanso para sa kabuuang 47 medalya.

Pumapangalawa naman ang host country na Japan na may 9 ginto, 13 pilak at 14 na tanso o kabuuang 36 medalya, habang nasa ikatlong puwesto ang Kazakhstan na may 6 na ginto, 1 pilak at 5 tanso. Batay ito sa medal tally na inilabas alas-4:45 ng hapon noong Setyembre 22.

Nasa ikaapat na puwesto ang South Korea na may 5 ginto, 4 pilak at 15 tanso, habang pumapangalima ang Thailand na may 4 na gintong medalya.

Samantala, nasa ika-21 puwesto ang Team Philippines na may kabuuang apat na medalya na binubuo ng isang pilak at tatlong tanso.

Kabilang sa mga naghatid ng medalya para sa bansa ang women’s kata team sa karate na nagbigay ng ikatlong tansong medalya ng Pilipinas sa torneo.

Patuloy namang umaasa ang Team Philippines na madaragdagan pa ang kanilang medalya sa mga susunod na araw ng kompetisyon habang nagpapatuloy ang labanan sa iba’t ibang sporting events sa Aichi-Nagoya hanggang Oktubre 4.