--Ads--

Naghain ng resolusyon si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima upang imbestigahan sa Kamara ang mga reklamo kaugnay ng mining operations sa Aroroy, Masbate.

Layunin din ng House Resolution 927 na matukoy kung may kakulangan o butas sa pagpapatupad ng regulasyon sa pagmimina ng Filminera Resources Corporation, B2Gold, at Philippine Gold Processing and Refining Corporation (PGPRC).

Ayon kay De Lima, bagama’t may naiaambag ang pagmimina sa trabaho, kasanayan, at may naitalang safety record, may paulit-ulit na reklamo mula sa mga residente tungkol sa blasting, nakalalasong usok o emisyon, at pinsala sa mga pananim at istruktura.

Ipinapakita rin sa mga ulat na ang mahigit dalawang dekadang pagmimina sa Aroroy ay nagdulot umano ng malaking pinsalang pangkalikasan na nakaapekto sa kalidad ng pamumuhay, kalusugan, pinagkukunan ng tubig, seguridad sa pagkain, at kabuhayan ng mga komunidad.

--Ads--

May mga reklamo rin ng posibleng kontaminasyon ng tubig na nauugnay sa pagkamatay ng isda at pagbagsak ng yamang-dagat, pati na rin ang deforestation, soil erosion, at pagkasira ng mga tirahan ng hayop.

Giit ni De Lima, anuman ang benepisyo ng pagmimina, hindi ito dapat maging dahilan upang ipagsawalang-bahala ang mga panganib sa kalikasan, kabuhayan, kalusugan, at kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na kung ito ay ilegal.

Binigyang-diin din niya na dapat unahin ang proteksyon ng kapaligiran at kapakanan ng mga komunidad sa Aroroy at agarang imbestigahan ang isyu.

Ayon pa sa mambabatas, noong Setyembre 2025 ay nagkaroon ng operasyon sa lugar kung saan siyam na Chinese national ang naaresto sa Barangay Cabangcalan at Pangle dahil sa umano’y ilegal na pagmimina.