Nagbabala ang isang doktor na hindi lamang sa tubig-baha maaaring makuha ang leptospirosis dahil maaari rin itong magmula sa kontaminadong pagkain, tubig o likidong may ihi ng mga hayop gaya ng daga, aso at pusa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mel Lazaro, Internal Medicine Doctor, sinabi niyang ang leptospirosis ay dulot ng bacteria na leptospira na maaaring pumasok sa katawan sa pamamagitan ng open wound o sugat.
Maaari rin itong makuha ng mga nagtatrabaho sa poultry, piggery at gardening dahil sa posibleng paghawak sa ihi ng mga apektadong hayop.
Kabilang sa mga sintomas ang lagnat, sakit ng ulo at pananakit ng katawan. Sa malalang kaso, maaari itong makapinsala sa kidney at liver, magdulot ng jaundice at maging meningitis.
Payo ni Dr. Lazaro, panatilihin ang regular na paghuhugas ng kamay, gumamit ng protective gear sa mga lugar na posibleng kontaminado at tiyaking walang open wound kapag na-e-expose sa maruming tubig o likido.











