Hindi bababa sa limang pasyente ang nasawi sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) dahil sa leptospirosis, kasunod ‘yan ng ilang linggong mga pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat.
Batay sa datos ng ospital simula noong Hunyo umabot na sa 19 kaso ng leptospirosis ang kanilang naitala kung saan ang pinakahuling biktima ay nasawi matapos lumala ang kondisyon at magkaroon ng pulmonary hemorrhage o pagdurugo sa baga.
Ayon kay NKTI nephrologist Dr. Arlene Lamban-Crosson, maraming pasyente ang nagpupunta sa ospital na mayroon nang severe cases dahil hindi agad nakikita ang kanilang mga sintomas dahilan para lumala ito bago pa man sila makapunta sa ospital.
Kabilang sa mga unang sintomas ang lagnat, pananakit ng katawan at kasu-kasuan, at pamumula ng mga mata.
Kapag lumala naman, maaaring magkaroon ng paninilaw ng balat o mata, pagbabago sa kulay ng ihi, pagbaba ng dami ng ihi, at pag-ubo o pagsusuka ng dugo.
Samantala sa San Lazaro Hospital, umabot naman sa 50 ang kaso ng leptospirosis, kabilang ang 24 na bagong admission sa loob lamang ng 24 oras.
Habang dalawa na rin ang naitalang nasawi.
Nagbabala ang mga doktor na maaaring hindi pa nakikita ang pinakamataas na bilang ng mga kaso dahil maaaring tumagal nang dalawa hanggang 30 araw ang incubation period ng leptospirosis.
Paalala ng mga awtoridad, hangga’t maaari ay iwasang lumusong sa baha, lalo na kung may sugat. Kung hindi maiiwasan, gumamit ng rubber boots at tiyaking maayos na natatakpan ang anumang sugat.











