--Ads--

Dahil sa patuloy na pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat, ipinag utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Health (DOH) buksan at maglagay ng fast lanes para sa mga kaso ng dengue at leptospirosis.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, pinagana ng DOH ang kanilang leptospirosis at dengue fast lanes sa lahat ng kanilang ospital at BUCAS centers.

Nakahanda na rin aniya ang mga gamot para ipamahagi sa local government units (LGUs) para masiguro na ang health emergency response team ay handa sa deployment sa evacuation centers.

Bukod dito, pinatitiyak din aniya ni Pangulong Marcos ang kaligtasan ng mga health workers na sinusuong ang mga putik at baha para matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.

--Ads--

Tiniyak din ni Marcos na sapat ang mga emergency commodities tulad ng chlorine tablets, malinis na inuming tubig, doxycycline at iba pang katulad na gamot, hygiene kits, at micronutrients supplements ay available sa LGUs.

Naglaan ang pamahalaan ng P44 milyon budget para sa health emergency commodities at response supplies sa DOH na ipamamahagi sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Bicol.