--Ads--

Nakapagtala ang Department of Health o DOH ng kabuuang 5,835 kaso ng leptospirosis sa buong bansa ngayong taon, na tumaas sa nakalipas na dalawang linggo kasunod ng malawakang pagbaha.

Pinakamaraming kaso ang naitala sa National Capital Region na may 1,733, sinundan ng Central Luzon na may 632 at Cagayan Valley na may 561 kaso.

Gayunman, 19 porsyentong mas mababa ito kumpara sa 7,187 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Bumaba rin ang bilang ng mga nasawi mula 764 noong 2025 sa 358 ngayong taon.

Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Assistant Secretary Gerna Manatad, 29 porsyento ang itinaas ng kaso sa nakalipas na dalawang linggo, kaya posibleng madagdagan pa ito dahil sa habagat.

--Ads--

Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na iwasang lumusong sa baha. Ang mga nalubog sa baha ay pinapayuhang maligo agad gamit ang sabon at malinis na tubig.

Pinapayuhan din ang mga may sugat na agad magtungo sa pinakamalapit na health center para sa medical assistance at maagang konsultasyon.

Ang leptospirosis ay dulot ng bacteria na Leptospira na maaaring makuha sa direktang kontak sa ihi ng infected na hayop gaya ng daga at baboy, o sa mga lugar na kontaminado nito tulad ng tubig-baha.

Samantala, inatasan ng Department of Education o DepEd ang lahat ng pampublikong paaralan na paigtingin ang kampanya laban sa dengue at leptospirosis at higpitan ang sanitation at health monitoring sa mga paaralan.