--Ads--

Binaligtad ng Korte Suprema ang hatol na guilty ng Sandiganbayan laban kay dating First Lady Imelda Marcos sa pitong bilang ng graft kaugnay ng umano’y financial interests niya sa pitong foundation sa Switzerland.

Sa desisyong may petsang Hunyo 10, 2026 na inilabas sa publiko nitong Miyerkules, Setyembre 9, pinawalang-bisa ng First Division ng Korte Suprema ang 2018 ruling ng Sandiganbayan na naghatol kay Marcos ng anim hanggang 11 taong pagkakakulong sa bawat bilang ng graft.

Ayon sa Sandiganbayan, nagkaroon umano si Marcos ng financial interest at pakikilahok sa pamamahala ng ilang non-government organization sa Switzerland mula 1978 hanggang 1984, noong nagsilbi siya bilang Minister of Human Settlements, Metro Manila Governor at interim member ng Batasang Pambansa.

Gayunman, sinabi ng Korte Suprema na hindi sapat at hindi maaaring tanggapin bilang ebidensya ang testimonial at documentary evidence na iniharap ng prosekusyon.

--Ads--

Partikular na binigyang-diin ng Korte na hindi maayos na na-authenticate ang mga dokumentong mula Switzerland at walang kredibleng testigong nakapagpatunay sa pagiging tunay at wastong pagkakagawa ng mga ito.

Ipinaliwanag din ng Korte Suprema na ang pagbubukas ng bank accounts, paglilipat ng pondo at pagtanggap ng interes o kita mula sa investments ay hindi awtomatikong nangangahulugang nagpapatakbo ng isang negosyo ang isang foundation.

Ayon sa desisyon, kailangang mapatunayan na regular na nag-aalok ng produkto o serbisyo ang isang entity para sa pangunahing layuning kumita bago ito maituring na business sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Dahil hindi napatunayan ng prosekusyon na mga negosyo ang pitong foundation, sinabi ng Korte Suprema na hindi saklaw ng batas ang umano’y financial o pecuniary interest ni Marcos sa mga ito, kaya’t binaligtad ang kanyang conviction.