--Ads--

Ipinasa na ng Philippine National Police (PNP) sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si dating House Speaker Martin Romualdez, ayon sa kumpirmasyon ng BJMP.

Sa inilabas na pahayag ng BJMP, sinabi nitong dakong alas-4:15 ng hapon nitong Setyembre 10, 2026 nang opisyal na ilipat si Romualdez sa kanilang kustodiya mula sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Cardinal Santos Medical Center, alinsunod sa Commitment Order na inilabas ng Sandiganbayan Third Division.

Ayon pa sa BJMP, tatanggapin ni Romualdez ang kaparehong pagtrato at mga pribilehiyong ipinagkakaloob sa iba pang persons deprived of liberty (PDLs) at hindi siya bibigyan ng anumang VIP o espesyal na pagtrato.

Sinabi rin ng ahensya na kapag pinayagan na siyang makalabas ng ospital at may kaukulang kautusan mula sa korte, ililipat siya sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas, Quezon City.

--Ads--

Mas maaga nitong Huwebes, dininig ng Sandiganbayan ang mosyon ni Romualdez na manatili sa ilalim ng hospital arrest bago inilabas ang commitment order.

Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder na nagkakahalaga ng P7.4 bilyon kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Bago ang pagdinig, sinabi ng PNP na hindi makakadalo si Romualdez matapos magsumite ang kanyang kampo ng sertipikasyon mula sa ospital na nagsasabing siya ay “medically unfit” o hindi maaaring bumiyahe dahil sa kanyang kondisyon.

Ayon naman kay PNP spokesperson Col. Allen Rae Co, handa ang pulisya na sundin at ipatupad ang anumang magiging kautusan ng Sandiganbayan, kabilang ang paglilipat ng kustodiya kay Romualdez sa BJMP.

Sinabi ni Co na igagalang at susundin ng PNP ang anumang desisyon at utos na ilalabas ng Sandiganbayan kaugnay sa kaso ni Romualdez.