Hindi na nakapalag ang isang 27-anyos na lalaki matapos mahulihan ng humigit-kumulang 0.99 gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok 2, Barangay Alibagu, City of Ilagan, Isabela.
Nakilala ang suspek na si alyas “Joward,” 27 taong gulang, isang laborer, at residente ng nasabing lugar.
Isinagawa ng mga tauhan ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Ilagan Component City Police Station (CCPS), na may koordinasyon ng PDEA RO2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek matapos nitong umano’y magbenta sa isang pulis na umakto bilang poseur buyer ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na pinaniniwalaang shabu, na may timbang na humigit-kumulang 0.99 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na PHP6,732.00. Ang transaksyon ay isinagawa kapalit ng isang ₱1,000 marked money.
Kabilang sa mga nasamsam ang isang (1) genuine ₱1,000 bill na may serial number EL154727; at isang (1) unit na red/black Android cellular phone.
Patuloy ang isinasagawang dokumentasyon at pagproseso sa mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang pagsusuri at pagsasampa ng kaso laban sa suspek sa paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











