Dinakip ang isang 43-anyos na lalaki matapos umanong magbenta ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad dakong alas-12:02 ng madaling araw nito lamang Setyembre 1, 2026 sa Brgy. Catabayungan, Cabagan, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jojo” 43 anyos, may asawa, walang trabaho, at residente ng nasabing lugar.
Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Municipal Drug Enforcement Unit ng Cabagan Police Station katuwang ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit, Isabela Police Provincial Office sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 2.
Ayon sa ulat, naaresto ang suspek matapos nitong umano’y ibenta sa isang police officer na nagsilbing poseur buyer ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu.
Nakumpiska rin sa operasyon ang sumusunod na mga ebidensya: isang sachet ng hinihinalang shabu, dalawang genuine na PHP1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang cellular phone, at isang pink na electric bike.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso dahil sa paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya ng Cabagan Police Station para sa kaukulang disposisyon at pagsasagawa ng mga legal na proseso.











