--Ads--

Patay ang isang 30-anyos na lalaki matapos mabangga ng isang pampasaherong bus habang tumatawid sa kahabaan ng national highway sa Barangay Ugad, Tumauini, Isabela madaling-araw ng Hunyo 23.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jojo Turingan, Chief of Police ng Tumauini Police Station, kinilala ang biktima na si Antonio Baquiran, binata at residente ng nasabing lugar.

Ayon kay PMaj. Turingan, naganap ang aksidente dakong alas-4:32 ng madaling-araw nang mabangga ng isang pampasaherong bus na may na minamaneho ni Edmundo, 58- anyos, may asawa at residente ng Barangay Baluarte, Santiago City.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, patungo sa hilagang bahagi ng lalawigan ang bus at nakatakdang bumiyahe patungong Tuguegarao City nang biglang tumawid ang biktima sa kalsada.

--Ads--

Sinabi ni PMaj. Turingan na hindi agad napansin ng driver ang biktima dahil sa biglaang pagtawid nito, dahilan upang hindi na nito maiwasan ang pagkakabangga.

Napag-alaman din na papasok sana sa trabaho ang biktima nang mangyari ang insidente.

Bagama’t may mga streetlight sa lugar, sinabi ng opisyal na maaaring nakaapekto pa rin ang oras ng pangyayari at ang bilis ng takbo ng sasakyan sa insidente.

Kasunod ng aksidente ay nagkaroon na ng pag-uusap ang pamilya ng biktima at ang pamunuan ng bus company kasama ang driver, kung saan nagkasundo ang magkabilang panig na magbigay ng tulong ang kampo ng driver sa pamilya ng nasawi.

Samantala, muling pinaalalahanan ni PMaj. Turingan ang mga motorista at pedestrian na maging maingat sa paggamit ng lansangan at mahigpit na sumunod sa itinakdang speed limit upang maiwasan ang kaparehong insidente.

Ayon pa sa opisyal, nananatiling pangunahing sanhi ng maraming aksidente sa kalsada ang human error, kabilang ang sobrang bilis ng pagpapatakbo ng sasakyan at pagkukulang sa pag-iingat ng mga gumagamit ng lansangan.