May hindi bababa sa 30 active bank accounts sa walong bangko sina Vice President Sara Duterte at ang kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025, ayon sa prosekusyon sa Senate impeachment court.
Ayon kay Private Prosecutor James Bryan Ibrahim Alih, umabot sa mahigit ₱190 milyon ang pinagsamang year-end balance ng mga account ng mag-asawa sa loob ng apat na taon.
Iniharap ng prosekusyon ang mga bank record upang ihambing ang mga balanse sa mga idineklarang assets ni Duterte sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Kabilang sa mga bangkong sakop ng records ang Land Bank of the Philippines, Asia United Bank, Philippine Savings Bank, Metrobank, Security Bank, BPI, Philippine National Bank at BDO.
Batay sa mga rekord, mahigit ₱59 milyon ang pinagsamang balanse noong 2022, mahigit ₱71 milyon noong 2023, lampas ₱22 milyon noong 2024 at mahigit ₱35 milyon noong 2025.
Ayon sa prosekusyon, ilalahad muna ang mga account record bago talakayin ang mas malalaking transaksyong makikita sa mga dokumento.











