--Ads--

Tampok ang Tony Award-winning Filipino performer na si Lea Salonga sa gaganaping 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit sa Maynila sa Nobyembre 11.

Makakasama ni Salonga si ABS-CBN News anchor Rico Hizon sa isang talakayang pinamagatang “In Unison: Amplifying Every Voice in ASEAN.”

Tampok sa naturang sesyon ang pagsasama ng musika at talakayan hinggil sa kung paano higit na mapalalago ang pagkamalikhain at kultura sa Southeast Asia upang hindi lamang maging karangalan ng rehiyon kundi maging mapagkukunan din ng kabuhayan ng mga alagad ng sining.

Layunin ng summit na pagtibayin ang ugnayan ng mga lider mula sa negosyo, pamahalaan, civil society at mga organisasyong pangkawanggawa upang matukoy ang mga oportunidad para sa mas malawak at inklusibong paglago ng ekonomiya.

--Ads--

Matatandaang kamakailan ay gumawa ng kasaysayan si Salonga bilang kauna-unahang Pilipina na nagkaroon ng sariling bituin sa Hollywood Walk of Fame.

Sa kaniyang pagkilala, ipinahayag ng Broadway star ang pagmamalaki sa kaniyang pinagmulan at pag-asa na magsilbing inspirasyon ang kaniyang tagumpay sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipinong artista.