Sinisi ng legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Nicholas Kaufman ang media sa aniya’y maling pagtingin ng publiko sa kampanya kontra droga ng dating administrasyon.
Ayon kay Kaufman, naging sensational umano ang pagtalakay sa war on drugs, dahilan upang mabuo ang negatibong pananaw laban dito. Iginiit niya na ang paraan ng pag-depict ng media ang nagbunsod upang maging puntirya si Duterte ng ilang grupo ng civil society na umano’y pinopondohan ng mga negosyante at akademiko mula sa ibang bansa.
Sa gitna ng pagdinig, sinabi ng defense lawyer na mas binibigyang-diin umano ang mga kontrobersyal na pahayag kaysa sa kabuuang konteksto ng mga ito.
Dagdag pa ni Kaufman, ang mga talumpati ni Duterte na aniya’y puno ng hyperbole at matitinding pananalita, ay naging mitsa upang siya’y batikusin ng mga kritiko, non-government organizations, at human rights activists.
Binigyang-diin din niya na ang mga kaso ay dapat pagbatayan ng ebidensya at hindi haka-haka, tsismis, o political rhetoric.
Ayon pa sa abogado, kung hindi dahil sa mga naging kontrobersyal na pahayag ng dating pangulo, wala umanong sapat na dahilan upang dalhin ang kaso nito sa The Hague.
Magpapatuloy ang confirmation of charges hearing ng ICC ngayong Pebrero 24, 26, at 27.











