Mariing itinanggi ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ang paratang ni Executive Secretary Ralph Recto na inalok niya umano ito ng P1 bilyon upang pigilan ang asawa nitong si Vilma Santos-Recto sa pagtakbo sa 2025 elections.
Ayon kay Leviste, walang basehan at hindi totoo ang alegasyon ni Recto na nag-alok siya ng P1 bilyon kapalit ng hindi pagtakbo ni Santos-Recto bilang gobernador ng Batangas noong nakaraang taon.
Pinasinungalingan din ng mambabatas ang akusasyon na naghanda siya ng P400 milyon at hiniling kay Recto na ipamahagi ito sa kanyang mga karibal sa pulitika upang umatras sa halalan.
Sa isang social media post, hinamon ni Leviste si Recto na humarap sa Kongreso upang malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Nauna nang sinabi ni Recto na tinanggihan niya ang umano’y alok ni Leviste na P400 milyon na ipapagamit sana upang hikayatin ang mga kalaban nito sa politika na umatras sa 2025 elections.
Nag-ugat ang isyu matapos akusahan ni Leviste, sa isang privilege speech, si Recto ng pagtanggap umano ng hindi bababa sa P1 bilyong contractor money.
Itinuro rin ni Leviste si CWS party-list Rep. Edwin Gardiola bilang contractor na umano’y nagpondo sa kampanya nina Recto at Vilma Santos noong 2025 elections, at iniugnay din ang ilang kapwa mambabatas sa vote-buying.
Dahil sa kakulangan ng ebidensya, ipinabura ng ilang miyembro ng Kamara ang mga pahayag ni Leviste sa rekord.











