Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na umalis na ng bansa sina Senador Loren Legarda at Batangas Rep. Leandro Leviste sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng ahensya sa umano’y planong pagdiin kay Executive Secretary Ralph Recto.
Ayon kay Matibag, wala na sa Pilipinas ang mag-ina habang nagpapatuloy ang pagkalap ng ebidensya at pagdinig sa mga personalidad na iniuugnay sa naturang kaso. Gayunman, hindi pa agad isinapubliko ng NBI kung saang bansa nagtungo ang dalawa.
Matatandaang ipinatawag ng NBI sina Leviste at dating kongresista Jacinto “Jing” Paras matapos umanong mabanggit ang kanilang mga pangalan ng ilang indibidwal na inaresto kaugnay ng umano’y sabwatan laban kay Recto.
Nauna nang iginiit ni Leviste na wala siyang kinalaman sa mga alegasyon at hiniling sa NBI na ipaliwanag ang naging basehan ng imbestigasyon laban sa kanya. Samantala, sinabi ni Matibag na walang sinuman ang nakahihigit sa batas at dapat harapin ng sinumang nasasangkot ang isinasagawang imbestigasyon.
Nilinaw naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na personal trip ito kaya hindi kailangan ng travel authority mula sa Senado.











