Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Cauayan na patuloy ang mahigpit na validation sa listahan ng mga benepisyaryo ng iba’t ibang programang ayuda upang masigurong ang mga tunay na nangangailangan lamang ang makatatanggap ng tulong.
Ayon kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., may mga itinatakdang requirements bago maisama sa official list, kung saan pangunahing tungkulin ng mga agricultural technicians katuwang ang mga barangay kapitan ang pagsasagawa ng beripikasyon.
Ayon sa alkalde, layunin ng sistema na matiyak na ang mga kwalipikado at talagang nangangailangan ang mapapabilang sa mga programang tulong ng pamahalaan.
Gayunman, aminado ang opisyal na nagkaroon pa rin ng ilang isyu sa implementasyon kaya muling inayos ang mga taong nakatalaga sa validation process.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na tuloy-tuloy ang pagrepaso sa listahan upang matiyak na ang pondong inilaan para sa ayuda ay mapupunta lamang sa mga lehitimong benepisyaryo.











