--Ads--

Naglabas ng executive order ang Pamahalaang bayan ng Cabatuan, Isabela na nagbabawal sa mga kawani ng pamahalaan na sumimangot tuwing oras ng trabaho.

Sa ilalim ng executive order no. 56 series of 2025, ang lahat ng empleyado ng Local Government Unit, Rural Health Unit maging ang lahat ng Barangay Officials sa nasasakupan ng Cabatuan ay pinagbabawalang magpakita ng mga hindi kaaya-ayang facial expressions at hindi maayos na pakikitungo sa publiko.

Layunin nitong maging maayos ang serbisyo ng bawat tanggapan sa pamamagitan ng maayos na pakikitungo sa taumbayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Charlton “Tonton” Uy ng Cabatuan, Isabela, sinabi niya na may mga reklamo silang natatanggap sa nakalipas hinggil sa hindi maaayos na pakikitungo ng mga empleyado na siyang nag-udyok sa kanila upang gumawa ng executive order na naglalayong matuldukan ang ganitong sistema.

--Ads--

Binigyang diin ng  Alkalde na dapat ay pantay-pantay ang pagtingin sa sinumang nagtutungo sa mga government offices kahit ano pa man ang sadya nila dahil nasasaktan din ang mga ito sa tuwing nakatatanggap ng hindi magandang trato.

Aniya, naiintindihan niya na ang bawat kawani ay mayroong kaniya-kaniyang problema ngunit hindi na dapat ito dinadala pa sa trabaho.

Ngayon na mayroon nang executive order hinggil dito, umaasa si Mayor Uy na wala nang magsusuplada sa mga nagtutungo sa mga offices ng LGU dahil  mayroon silang malalabag na panuntunan.