Nananawagan ng kapayapaan ang Liga ng mga Barangay (LNB) kasunod ng pagpaslang sa dating Punong Barangay at ngayon ay Kagawad ng Malibago, Echague, Isabela nitong ika-17 ng Hulyo matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa kaniyang farm.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LNB Vice Chair Dante Halaman, sinabi nito na bagama’t mababa ang tiyansa na politically motivated ang pagpaslang sa naturang barangay official dahil nabanggit nito na hindi na siya tatakbo sa anumang posisyon sa susunod na halalan, umaasa pa rin ang grupo na magiging matiwasay ang pagdaraos ng nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
Aniya, ikinagulat nila ang sinapit ng dati nilang kasamahan dahil wala umano silang alam na kaaway nito.
Gayunman, isang lingo bago ang insidente ay may nabanggit umano ang biktima na mayroong isang motorsiklo na may lulang isang babae at isang lalaki na hindi niya kilala ang nagpupunta sa kaniyang farm na tila ba sinusundan siya.
Sa ngayon ay patuloy pa ring sinisiyasat ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy at mapanagot ang nasa likod ng krimen.











