--Ads--

Binawi na ng Philippine National Police o PNP ang lisensya ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pagmamay-ari at pagdadala ng mga baril habang patuloy siyang hinahanap ng mga awtoridad.

Ayon sa Police Regional Office 11, ipinadala noong Mayo 26 ang revocation order sa Regional Civil Security Unit 11 at naiserbisyo ito kinabukasan sa abogado ng senador na si Atty. Vicente Adrian Pajardo sa pakikipag-ugnayan sa Davao City Police Office.

Saklaw ng kautusan ang pagbawi sa License to Own and Possess Firearms at Firearms Registrations ni Dela Rosa na may kabuuang 117 assorted firearms.

Sinabi ni PRO 11 Regional Director PBGen. Leon Victor Rosete na isinagawa ang implementasyon ng kautusan nang naaayon sa batas at tamang proseso habang tiniyak ng PNP ang patas at legal na pagpapatupad ng kanilang mandato.

--Ads--

Kinuwestiyon naman ng abogado ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon ang legalidad ng pagbawi sa lisensya at iginiit na walang probisyon sa batas na nagsasabing maaaring bawiin ang firearms license dahil lamang sa nakabinbing kaso. Aniya, magsusumite sila ng motion for reconsideration kaugnay sa naging desisyon ng PNP.