--Ads--

Nagdulot ng pangamba sa pandaigdigang kalakalan ng enerhiya ang pagkakasangkot ng dalawang tanker sa magkahiwalay na insidente malapit sa Strait of Hormuz matapos ang ulat na pinaputukan umano ng mga missile mula sa Iran ang ilang sasakyang pandagat sa lugar.

Ayon sa mga maritime security source, tinamaan sa kaliwang bahagi ang LNG tanker na Al Rekayyat na may kargang liquefied natural gas mula Qatar. Nagpadala ito ng distress signal matapos sumiklab ang sunog sa engine room na nagdulot ng makapal na usok at panganib ng pagsabog. Agad namang inilikas ang mga tripulante at iniulat na ligtas ang mga ito.

Sa naitalang radio communication ng barko, sinabi ng kapitan na tinamaan umano ito ng drone sa bahagi ng engine room dahilan upang magliyab ang naturang lugar at hindi agad matukoy ang kabuuang pinsala sa barko.

Samantala, isang Saudi-flagged crude oil tanker na pinaniniwalaang ang supertanker na Wedyan ay napinsala rin sa karagatan malapit sa baybayin ng Oman. Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkasira nito.

--Ads--

Ayon sa isang opisyal ng Estados Unidos, may paunang indikasyon na dalawang commercial vessel ang pinaputukan ng Iran. Gayunman, wala pang opisyal na pag-ako ng responsibilidad sa mga insidente at wala ring agarang pahayag mula sa Tehran.

Sa hiwalay na pangyayari, isang LPG tanker na may bandila ng Liberia ang umano’y inutusang baguhin ang ruta nito at lumapit sa baybayin ng Iran habang tinatahak ang Strait of Hormuz.