--Ads--

‎Pinagtibay at muling binuo ang iba’t ibang Local Special Bodies ng Santiago City sa isinagawang Joint Organizational Meeting nitong Miyerkules, Pebrero 11 sa Bulwagan ng Mamamayan, City Hall, Barangay San Andres, Santiago City.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Raul Melegrito, City Local Government Operations Officer ng DILG Santiago City, sinabi niya na layunin ng pagtitipon na ipaliwanag sa mga Civil Society Organizations (CSOs), People’s Organizations (POs), at Non-Government Organizations (NGOs) ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad bilang bahagi ng lokal na pamahalaan.

‎Sa nasabing pulong, nagsagawa rin ng halalan ng mga opisyal upang mapagtibay ang mga lokal na konseho tulad ng Local School Board, Local Health Board, City Peace and Order Council, at ang Local Development Council.

Ayon kay Melegrito, nagsilbi ang pulong bilang plataporma upang maipahayag ng mga CSOs, POs, at NGOs ang kanilang mga priority projects at programa, na ilalagay at iko-konsolida sa Annual Investment Plan at Local Development Plan ng lungsod.

--Ads--

‎Ang naturang organizational meeting ay term-based at isinasagawa tuwing tatlong taon. Para sa kasalukuyang termino, saklaw nito ang dalawang libo dalawampu’t anim hanggang dalawang libo dalawampu’t walo.

‎Binigyang-diin ng DILG na mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mga organisasyon ng mamamayan sa transparency, accountability, at participatory governance, upang matiyak na ang mga programa ng lungsod ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga Residente ng Santiago City.