--Ads--

Patuloy ang isinasagawang symposium at campaign drive ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga barangay at pribadong establisimento sa Rehiyon Dos bilang bahagi ng kampanya kontra ilegal na droga at iba pang ilegal na aktibidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Investigation Agent 5 Armenio Gaudia, Provincial Officer ng PDEA Quirino at Santiago City, sinabi niya na hindi lamang sa barangay nakatuon ang kanilang information drive kundi maging sa mga pribadong establisimento at negosyo.

Ito ay upang mapalawak pa nila ang kaalaman ng publiko sa mga programa ng pamahalaan para sa pagpapanatili ng isang drug-free community at upang gabayan ang mga employer at manggagawa sa pagtukoy at pag-iwas sa pagpasok ng ilegal na droga sa kanilang mga workplace.

Binigyang-diin din ni Agent Gaudia na mahalaga ang papel ng sektor ng negosyo sa pagbabantay, lalo na sa mga hotel, inn, at mga kumpanya ng logistics  o delivery services na madalas gamiting daan ng mga sindikato.

--Ads--

Hinikayat niya ang publiko na agad mag-ulat sa kanilang tanggapan kung may mapapansing kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.