Nagtapos sa positibong antas ang lokal na stock market matapos mapanatili ng Philippine Stock Exchange index (PSEi) ang posisyon nito sa itaas ng 6,400 level sa kabila ng geopolitical tensions at profit taking ng ilang investors.
Umakyat ang PSEi ng 0.18% o 11.61 puntos upang magsara sa 6,415.72, habang tumaas din ang All Shares index ng 0.19% sa 3,450.69.
Ayon sa First Metro Securities, nanatiling matatag ang merkado sa kabila ng pag-iingat ng mga mamumuhunan dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan at paghina ng technology stocks sa Wall Street.
Nakatulong din ang net foreign buying na P640.45 milyon at pag-asang magiging maganda ang second-quarter earnings ng mga kumpanya.
Nanguna sa pagtaas ang mining and oil sector, habang pinakamalaking pagbaba naman ang naitala sa property sector.









