Bahagyang tumaas ang Philippine Stock Exchange Index (PSEi) matapos lumakas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan bunsod ng humihinang pangamba sa susunod na hakbang ng United States Federal Reserve kaugnay ng interest rates.
Nagtapos ang PSEi sa 6,325.15 points matapos umakyat ng 22.65 points o 0.36 %. Ayon sa mga analyst, nakatulong sa pag-angat ng merkado ang pagbaba ng US producer price index noong Hunyo, na nagpapahiwatig ng paghina ng inflation at mas malinaw na direksyon sa monetary policy ng Amerika.
Sinabi naman ng mga market analyst na nanatiling maingat ang mga mamumuhunan habang hinihintay ang paglabas ng mga ulat sa kita ng mga kumpanya para sa ikalawang quarter ng taon. Naitala rin ang net foreign inflows na P195.39 milyon, tanda ng patuloy na suporta ng mga dayuhang mamumuhunan sa lokal na merkado.
Nanguna sa mga sektor na nagtala ng pagtaas ang mining and oil na umakyat ng 2.90 %.










