--Ads--

Umabot sa 922 traffic violators ang naitala ng LTO Santiago Extension Office sa nakalipas na buwan sa kanilang nasasakupan na kinabibilangan ng Santiago City, Ramon, at Cordon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng nasabing ahensiya, sinabi nito na nananatiling pangunahing paglabag ang pagmamaneho nang walang lisensya, kasunod ang paggamit ng hindi rehistradong sasakyan.

Kabilang din sa mga madalas na paglabag ang hindi pagsusuot ng helmet at seatbelt, pagmamaneho nang nakatsinelas, paggamit ng sasakyang may depektibong preno, hindi awtorisadong pagbabago sa muffler, kakulangan sa mga kinakailangang accessories ng sasakyan, at pagtanggal ng side mirrors.

Ayon kay Buendia, nakadepende sa deployment ng kanilang law enforcement team ang bilang ng mga nahuhuling lumalabag sa batas-trapiko.

--Ads--

Nitong mga nakaraang araw, nagsagawa rin ng law enforcement operation ang LTO sa kanilang nasasakupan na nagresulta sa 70 apprehension cases sa loob lamang ng isang araw.

Batay sa paunang tala, karamihan sa mga nahuli ay walang lisensya at gumagamit ng mga sasakyang hindi rehistrado.