--Ads--

Nakatakdang magsagawa ng Mobile Caravan ang Land Transportation Office o LTO sa Santiago City ngayong Setyembre at sa bayan ng Cordon, Isabela sa Nobyembre ngayong taon, kung saan magbibigay ng libreng Theoretical Driving Course at libreng driver’s license.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Dennis Buendia, Resource Person ng LTO Santiago, sinabi niyang layunin ng programa na mabigyan ang mga residente at driver ng sapat na kaalaman sa ligtas at tamang pagmamaneho, gayundin na mailapit sa publiko ang serbisyo ng pamahalaan.

Ayon kay Buendia, limitado sa 200 slots ang libreng programa at ipatutupad ito sa first come, first served basis.

Aniya, maaaring isumite ang mga kinakailangang dokumento sa tanggapan ng LTO o sa pamamagitan ng online registration.

--Ads--

Kabilang sa mga kailangang ihanda ang PSA Birth Certificate at anumang valid ID. Para naman sa mga estudyante, maaaring gamitin ang Student ID, habang kinakailangan ang written consent mula sa magulang para sa mga aplikanteng menor de edad.

Pinapayuhan ang mga interesado na mag-abang sa opisyal na anunsyo ng LTO para sa eksaktong petsa at lugar ng Mobile Caravan.

Samantala, nagpaalala rin si Buendia hinggil sa paggamit ng unauthorized at pekeng plaka. Binigyang-diin niyang tanging ang LTO ang may legal na awtoridad na mag-isyu ng opisyal na plaka ng mga sasakyan.