Mas pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsasagawa ng Road Safety Seminar sa lungsod ng Santiago bilang bahagi ng kampanya laban sa tumataas na bilang ng aksidente sa lansangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng LTO Santiago Extension Office, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng Theoretical Driving Course (TDC) upang mapalalim ang kaalaman ng mga motorista, lalo na ng mga kabataan, hinggil sa responsableng pagmamaneho at pagsunod sa batas-trapiko.
Ayon kay Buendia, kapansin-pansin ang pagdami ng mga batang motorista kaya kinakailangang palakasin pa ang information and education campaign upang maiwasan ang kapabayaan at paglabag sa mga regulasyon sa kalsada.
Sinabi rin niya na nagsasagawa sila ng cost assessment at monitoring sa mga lugar na kanilang pinupuntahan upang masukat ang epekto ng road safety advocacy at matukoy kung kinakailangan pa ng mas maigting na intervention.
Dagdag pa niya, mahalagang maturuan ang mga motorista ng tamang kaalaman bago pa man sila humawak ng manibela upang maiwasan ang disgrasya.
Binigyang-diin din niya na isa sa mga pangunahing problema ay ang kakulangan sa disiplina at hindi pagsunod sa mga “do’s and don’ts” ng pagmamaneho, lalo na sa mga motoristang nagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak.
Plano rin umano ng ahensya na palawakin pa ang visibility ng kanilang operasyon, kabilang ang posibleng deployment sa gabi upang higit na mapalakas ang pagpapatupad ng batas-trapiko.
Binalaan din ng LTO na ang kawalan ng disiplina at hindi pagsunod sa batas-trapiko ay maaaring magdulot ng malulubhang aksidente na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga motorista, pasahero, at mga pedestrian.










