--Ads--

Pinabulaanan ng Philippine Army ang mga batikos at espekulasyon kaugnay ng umano’y kalumaan ng mga kagamitang militar na ginamit sa isinagawang live-fire exercise sa lalawigan ng Ifugao nitong Nobyembre 21.

Kasunod ito ng mga kumalat na komento na luma na umano at “panahon pa ni Lapu-Lapu” ang mga ammunisyon na ginagamit ng mga sundalo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ni Brigadier General Darrel Bañez, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade, na hindi totoo ang naturang mga alegasyon.

Iginiit ni Bañez na nakabili na ang Philippine Army ng mga bagong ammunisyon, kanyon at iba pang makabagong kagamitang pandigma bilang bahagi ng patuloy na modernisasyon ng hukbo.

--Ads--

Paliwanag niya, mahalaga ang pagkakaroon ng mga makabagong kagamitan upang matiyak na napapanatili ng mga sundalo ang kanilang kakayahan at kahandaan sa iba’t ibang uri ng operasyon.

Bahagi rin ng pagsasanay ang live-fire exercise upang masukat at malinang ang kakayahan ng mga tauhan sa paggamit ng kanilang mga armas at kagamitang militar sa aktuwal na kondisyon ng pagpapaputok.

Dagdag pa ng opisyal, ang patuloy na pagbili at pag-upgrade ng mga kagamitang pandigma ay nakatuon sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga tropa, lalo na sa pagsasagawa ng mga sensitibong operasyon at mga pagsasanay sa larangan.

Binigyang-diin din ni Bañez na patuloy na tinutugunan ng Philippine Army ang pangangailangan ng mga sundalo sa mas moderno at maaasahang kagamitang militar upang mapahusay ang kanilang kahandaan sa pagtupad sa kanilang tungkulin.