--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang mag-asawa at nasugatan naman ang kanilang isang taong gulang na anak at lolo’t lola nito matapos sumalpok ang sinasakyan nilang Tricycle sa isang Tractor Head sa Brgy. Magsaysay, Naguilian, Isabela.

Kinilala ang nasawing mag-asawa na sina Dominic Denna at Rosalie Denna.

Habang sugatan naman ang kanilang anak na isang taong gulang na lalaki maging sina Mary Grace Denna at Domingo Denna na siyang nagmamaneho ng tricycle.

Ang Howo Tractor Head ay minaneho ni Edison Calipjo, dalawamput limang taong gulang, may asawa, at residente ng Cauayan City, Isabela.

--Ads--

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, patungong lungsod ng Cauayan ang tractor habang kasalungat nito ang tricycle nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay pumutok ang gulong ng tricycle kaya’t nagpagewang gewang ito sa kalsada.

Napunta ito sa kabilang lane na nagdulot ng pagbangga nito sa kasalubong na sasakyan.

Nayupi ang tricycle at nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang apat na sakay nito habang sa kabutihang palad ay hindi ganun katindi ang sugat ng bata na agad namang naisugod sa pinakamalapit na ospital.

Binawian ng buhay ang mag-asawa habang patuloy na sinusubaybayan ang lagay ng tatlong iba pa.

Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang mga sangkot na sasakyan at maging si Calipjo na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Multiple Physical Injury and Damage to Property.