Iginiit ng isang abogado na hindi umano dapat gawing dahilan ang tinatawag na inter-branch o parliamentary courtesy upang hindi na masusing busisiin ng mga mambabatas ang panukalang budget ng Office of the President.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Constitutional Law Expert, Political Analyst at Senior Research Fellow in Policy Studies, sinabi nitong wala umanong nakasaad sa Saligang Batas na kumikilala sa naturang tradisyon.
Sa halip, ayon kay Atty. Yusingco, malinaw umanong mandato ng Kongreso na magsilbing check and balance sa ehekutibong sangay at suriing mabuti ang mga panukalang paggamit ng pondo ng bayan.
Partikular nitong kinuwestiyon ang umano’y kakulangan sa pagbusisi sa confidential funds na nakalaan para sa Office of the President.
Aniya, dapat lamang umanong pagkalooban ng confidential at intelligence funds ang mga ahensyang direktang nagsasagawa ng intelligence gathering, confidential operations, law enforcement at mga gawaing may kaugnayan sa national security.
Binigyang-diin nito na ang Office of the President ay isang civilian at administrative office at hindi isang law enforcement o national security agency.
Hindi rin umano sapat na dahilan ang pagiging Commander-in-Chief ng Pangulo dahil ang naturang tungkulin ay may kaugnayan sa Armed Forces of the Philippines, na mayroon nang sariling pondo para sa intelligence at confidential operations.
Dahil dito, iginiit ni Atty. Yusingco na dapat gampanan ng mga mambabatas ang kanilang tungkuling masusing suriin ang paggamit at paglalaan ng pondo ng bayan at huwag umanong hayaang maging dahilan ang tinatawag na inter-branch courtesy upang makalusot ang mga kuwestiyonableng alokasyon.
Nanawagan din ito sa mga mambabatas na itigil umano ang panlilinlang sa taumbayan at tunay na gampanan ang kanilang mandato bilang independent na tagasuri ng mga panukalang budget ng pamahalaan.











