
CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kaso ang magkasintahang sundalo na umuwi sa Naguilian, Isabela, hindi alam na tinamaan ng COVID-19 at nakahawa umano ng dalawamput limang tao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Juan Capuchino ng Naguilian, Isabela sinabi niya na hindi dumaan sa tamang proseso ang dalawang kasapi ng Philippine Army sa kanilang pag-uwi sa bayan ng Naguilian.
Umuwi ang dalawang sundalo sa Naguilian noong ikawalo ng Hulyo na ang isa ay residente ng Purok Nam-ay, Magsaysay habang ang kasamang kasintahan ay mula sa Surigao Del Norte.
Ayon kay Mayor Capuchino, dahil matagal ang kanilang bakasyon ay nagyaya sila ng inuman, swimming at nagpakain pa sa kanilang mga kamag-anak o kakilala.
Matapos nito ay nagpa-swab test sila noong ikalabimpito ng Hulyo dahil babalik na sana sila sa Davao Del Norte para sa kanilang trabaho ngunit positibo na ang resulta ng kanilang swab test.
Agad namang inilagay sa isolation facility ang dalawang sundalo bago dinala sa Cabagan, Isabela upang doon na sila sumailalim sa quarantine.
Sa isinagawang contact tracing ng LGU ay limampu ang isinailalim sa swab test at dalawamput lima sa mga ito ang nahawaan o nagpositibo sa covid 19.
Ayon kay Mayor Capuchino. Sinampahan ng kasong paglabag sa RA.11332 ang dalawang sundalo at kasalukuyan na rin ang imbestigasyon kung alam ng mga opisyal ng barangay na nakapasok ang dalawang nagpositibo sa kanilang brgy.
Aniya, maaari ring sampahan ng kasong administratibo ang dalawa.
Sa kasalukuyan ay nakahome quarantine ang dalawang sundalo sa Brgy. Magsaysay matapos pauwiin na mula sa pagsailalim sa sampung araw na quarantine sa ospital.
Muling pinaalalahanan ni Mayor Juan Capuchino ang mga opisyal ng barangay na tumulong sa pagmomonitor ng mga pumapasok sa kanilang nasasakupan upang mapigilan ang pagkalat ng virus na covid 19.
Samantala, inihayag ni PMaj Mervin Villanueva, hepe ng Naguilian Police Station na sa nakuha nilang impormasyon sa Rural Health Unit (RHU), apat sa mga kamag-anak ng sundalo ang unang nahawaan at 18 naman ang close contact ng mga naunang nagpositibo.
Napag-alaman nilang nagrenta ang magkasintahang sundalo ng isang pribadong sasakyan sa kanilang pag-uwi sa bayan ng Naguilian at wala umanong dalang RT-PCR test result.
Wala rin silang maayos na pakikipag-ugnayan sa LGU para sa pagkuha ng certificate of acceptance at hindi rin sila dumaan sa mandatory triage.
Kasong paglabag sa RA 11332 ang isinampang kaso laban sa magkasintahang sundalo.
Pinayuhan ni PMaj Villanueva ang lahat na nagnanais na pumasok sa bayan ng Naguilian na sumunod sa mga panuntunan na upang maiwasan ang pagkalat ng virus.










