--Ads--

Sugatan ang isang 44-anyos na magsasaka matapos pasukin ng isang 32-anyos na construction worker ang kanyang bahay at paulit-ulit siyang pagtatagain gamit ang palakol habang natutulog bandang alas-8:30 ng gabi noong Hulyo 19 sa Barangay Santa Isabel Norte, Ilagan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal, Information Officer ng Ilagan City Component Police Station, sinabi nitong agad na naisugod sa ospital ang biktima upang mabigyan ng agarang lunas at kasalukuyan na itong nasa maayos na kondisyon.

Ayon kay PCapt. Andal, sa tulong ng mga barangay officials, barangay tanod at rumespondeng mga pulis, mabilis na naaresto ang suspek matapos ang insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon, lumalabas na personal na alitan ang pinagmulan ng pananaga.

--Ads--

Kaugnay naman ng mga kumakalat na impormasyon na may kaugnayan umano ang biktima sa asawa ng suspek, sinabi ng opisyal na isa lamang itong alegasyon na hindi pa napatutunayan at patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya.

Dahil dito, hinimok ng Ilagan City Component Police Station ang publiko na hayaang umusad ang imbestigasyon at iwasang magpakalat ng mga hindi pa beripikadong impormasyon.

Samantala, nairefer na sa Office of the City Prosecutor ang kaso at sumailalim na rin sa inquest proceedings ang suspek na nahaharap sa kasong Frustrated Homicide.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek habang patuloy na nagpapagaling ang biktima sa ospital.