--Ads--

Umabot sa mahigit isang daang sasakyan ang nabigyan ng tiket ng mga traffic enforcer sa bayan ng San Mariano, Isabela nitong nakaraang linggo dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga umiiral na patakaran sa trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fernando Gamayon, Traffic Enforcer ng San Mariano, Isabela, sinabi niyang kabilang sa mga karaniwang paglabag ay ang pagpaparada sa mga no parking zone at obstruction sa sidewalk.

Dahil sa paulit-ulit na paglabag, mas naghigpit ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga umiiral na municipal ordinance.

Umaabot sa ₱770 ang multa sa mga mahuhuling nagpaparada sa mga lugar na may no parking signage, habang ₱550 naman ang multa para sa mga lumalabag sa pagbabawal sa obstruction sa sidewalk.

--Ads--

Gayunman, nilinaw ni Gamayon na may ilang pagkakataong pinapayagan ang mga motorista na pansamantalang huminto o magparada, tulad ng pamamalengke, paghakot ng mga produkto o iba pang mahahalagang gamit.

Subalit, binibigyan lamang ang mga ito ng sapat at maikling panahon upang maisagawa ang kanilang pakay at hindi pinapayagang magparada nang matagal o maghapon.

Ayon kay Gamayon, ang paghihigpit ay bahagi lamang ng pagpapatupad ng municipal ordinance at layuning maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at posibleng aksidente sa bayan.

Pinapayagan naman umano ang maayos na pagpaparada sa mga itinakdang lugar tuwing Miyerkules at Linggo, alinsunod sa umiiral na patakaran ng lokal na pamahalaan.

Kabilang din sa mga nahuli ang ilang business establishment na lumampas na sa sidewalk ang kanilang mga paninda, na nagiging sagabal naman sa mga pedestrian.

Iginiit ni Gamayon na nagkalat na ang mga no parking signage sa iba’t ibang bahagi ng bayan ngunit may ilan pa ring hindi sumusunod sa mga ito.

Samantala, mahigpit din umanong binabantayan ng mga traffic enforcer ang mga sasakyang may maiingay na tambutso, lalo na sa gabi, dahil sa reklamong dulot nito sa mga residente.