--Ads--

Mariing pinabulaanan ng mga awtoridad ang kumakalat na reklamo sa social media hinggil sa umano’y mga indibidwal na nagpapanggap o walang awtoridad na nanghuhuli ng mga traffic violators sa Santiago City.

Ayon kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., acting chief ng Traffic Enforcement Unit, kasalukuyan pa nilang bineberipika ang naturang reklamo at hindi pa matukoy kung sinu-sino ang tinutukoy sa viral post na kumakalat online.

Ipinaliwanag ng opisyal na maaaring tumutukoy ang reklamo sa mga force multiplier o civilian auxiliary personnel na tumutulong sa pulisya sa pagpapanatili ng kaayusan sa trapiko. Aniya, ang mga ito ay pawang mga volunteer lamang at walang kapangyarihang manghuli o magpatupad ng mga ordinansa nang walang direktang gabay at presensya ng mga tauhan ng Philippine National Police.

Posible rin umanong nagkaroon ng kalituhan dahil sa presensya ng mga naka-vest na sibilyan sa mga lansangan na maaaring napagkamalang may ganap na awtoridad sa traffic enforcement.

--Ads--

Sa ngayon, pinag-aaralan ng pamunuan ang posibleng pagrepaso sa paggamit ng mga volunteer upang malinaw na matukoy ang kanilang mga tungkulin at maiwasan ang kalituhan sa publiko.

Samantala, hinikayat ng mga awtoridad ang publiko na idaan sa tamang tanggapan ang anumang reklamo upang agad itong maimbestigahan at mabigyan ng kaukulang aksyon, sa halip na agad itong ipakalat sa social media.

Muli ring pinaalalahanan ang publiko na tiyaking beripikado ang impormasyon bago ito ibahagi upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon at hindi kinakailangang pangamba sa komunidad.