Lubhang ikinabahala ng mga awtoridad ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga lumalabag sa batas-trapiko sa Santiago City matapos umabot sa 1,774 ang naitalang traffic violators mula Enero hanggang Mayo 5, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., acting chief ng Traffic Enforcement Unit (TEU), sinabi nitong nananatiling laganap ang mga paglabag sa kalsada sa kabila ng pinaigting na kampanya at araw-araw na operasyon ng kanilang opisina.
Kabilang sa mga karaniwang paglabag ng mga motorista ang hindi pagsusuot ng helmet, overloading, kawalan ng dalang official receipt at certificate of registration (OR/CR), at pagmamaneho nang walang lisensya.
Ayon kay PMaj. Aggabao, bagama’t inaasahan nilang mababawasan ang mga violators dahil sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas-trapiko at information drive, nananatiling mataas ang bilang ng mga nahuhuling motorista.
Batay sa tala ng TEU, nakapagtala sila ng 691 violators noong Enero, 150 noong Pebrero, 606 noong Marso, 223 noong Abril, at 104 mula Mayo 1 hanggang 5.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na mas paiigtingin pa ang pagsunod sa mga umiiral na batas-trapiko upang mapanatili ang kaayusan sa mga national road, city road, at barangay road, gayundin upang maiwasan ang mga aksidente sa lungsod.











