Nagdulot ng pangamba sa mga residente ang pagkakatapon ng mahigit 300 kilo ng laman-loob ng manok sa gilid ng kalsada sa Barangay Tagaran, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Daniel Acob ng Barangay Tagaran, sinabi nitong agad nilang tinugunan ang insidente matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente hinggil sa malaking dami ng itinapong laman-loob ng manok.
Ayon kay Acob, hindi pa nakikilala ang indibidwal na basta na lamang nagtapon ng mga laman-loob, na nakaapekto hindi lamang sa kalinisan ng lugar kundi nagdulot din ng pangamba sa posibleng panganib nito sa kalusugan ng publiko.
Agad namang nagsagawa ng paglilinis ang pamahalaang barangay at tiniyak ang maayos na pagtatapon sa mga nabubulok na basura upang maiwasan ang pagdami ng langaw, mabahong amoy at iba pang maaaring pagmulan ng sakit.
Nanawagan naman ang barangay sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng mga nabubulok na basura upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng komunidad.











