--Ads--

Iniuugnay ng ilang maliliit na negosyante sa pagdamibng mga malls sa Santiago City dahil ang patuloy na paghina ng bentahan ng mga kagamitang pang-eskwela ilang linggo bago ang pagbubukas ng klase.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marita Solangon, isang tindera ng mga bag, kapansin-pansin ang patuloy na pagbaba ng bilang ng kanilang mga mamimili kumpara sa mga nakalipas na taon.

Sinabi ni Solangon na bagama’t dati nang may mga panahong matumal ang bentahan, mas nararamdaman umano ngayon ang epekto ng kompetisyon mula sa mga mall na nag-aalok din ng iba’t ibang school supplies.

Aniya, madalas ay paisa-isa lamang ang kanilang customer sa loob ng isang araw at maituturing nang marami kung aabot sa sampu ang bumibili.

--Ads--

Dagdag pa niya, hindi na sa Santiago City matatagpuan ang karamihan sa kanilang mga paninda kaya kinakailangan pa niyang bumiyahe upang makakuha ng suplay.

Dahil sa mahinang bentahan nitong mga nakaraang buwan, hindi niya agad nababawi ang kanyang puhunan.

Sa kabila nito, nananatiling umaasa si Solangon na tataas ang bilang ng mga mamimili habang papalapit ang pasukan, lalo na ang mga naghahanap ng mga bag at iba pang pangunahing gamit ng mga estudyante.

Patuloy namang hinaharap ng maliliit na tindahan sa lungsod ang hamon ng mas matinding kompetisyon kasabay ng pagdami ng malalaking establisimyento na nag-aalok ng mas maraming pagpipilian at promosyon para sa mga mamimili.