--Ads--

Mariing kinondena ng grupo ng public transport sa bansa ang ipatutupad na malakihang oil price hike bukas, Martes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON President Mody Floranda, sinabi niyang panibagong pahirap ang pagtaas ng presyo ng petrolyo hindi lamang sa mga tsuper at operator kundi maging sa mga commuter at mahihirap na Pilipino.

Kaakibat aniya ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ang pagmahal ng mga bilihin at serbisyo, na higit na makaaapekto sa maliit na kita ng mga manggagawa.

Kasabay ng oil price hike ay magsasagawa rin ng kilos-protesta ang grupo sa mga terminal at pangunahing ruta upang ilahad ang kanilang mga hinaing at panawagan sa pamahalaan.

--Ads--

Kabilang sa kanilang pangunahing panawagan ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law, na matagal na umanong nagpapahirap sa sektor ng pampublikong transportasyon at mga pamilyang Pilipino.

Panawagan din ng grupo ang pagtanggal o pagbabawas sa mataas na buwis sa produktong petrolyo, partikular ang excise tax at value-added tax o VAT.

Ayon kay Floranda, bagama’t nakatatanggap sila ng fuel subsidy mula sa pamahalaan, hindi ito sapat upang matugunan ang araw-araw na gastusin sa petrolyo dahil patuloy na tumataas ang presyo nito sa merkado.

Tinatayang umaabot aniya sa ₱3,000 kada araw ang ginagastos ng ilang public transport operator para lamang sa krudo o gasolina.

Iginiit din ni Floranda na hindi lahat ng tsuper at operator ay nakatatanggap ng fuel subsidy dahil piling benepisyaryo lamang ang kwalipikado sa programa.

Aniya hindi nito nareresolba ang problema sa sector ng transportasyon at suplay ng produktong petrolyo dahil maituturing lamang itong band-aid solution.