--Ads--

CAUAYAN CITY- Labis ang kasiyahan ng pambato ng Mammangi Swimming Team ng Schools Division Office (SDO) Ilagan City matapos nitong masungkit ang dalawang gintong medalya sa swimming competition sa nagpapatuloy na Cagayan-Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) Meet 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Siegfreid Shagean Belena, Double Gold Medalist mula sa Mamangi Swimming Team, aminado siya na naging mahirap ang kaniyang paghahanda para sa CAVRAA ngunit malaki aniya ang naitulong ng kaniyang training para dominahin ang kompetisyon.

Ito ang unang pagkakataon na nakasungkit siya ng gintong medalya sa CAVRAA dahil noong nakaraang taon ay silver medal lamang ang kaniyang nakuha.

Ayon kay Belena, sumubok siya sa sports na swimming dahil nais lamang nitong magpapayat noong una at nang humusay na siya sa naturang sports ay dito na niya napagdesisyunan na sumali sa mga swimming competition hanggang sa siya ay nakasungkit ng gintong medalya.

--Ads--

Dito na nagtuloy-tuloy ang kaniyang karera sa naturang sports.

Samantala, ikanatuwa rin ng Coach ng Mammangi Swimming Team ang pagkakasungkit ni Siegfreid Shagean Belena ng dalawang Gold Medals dahil ito ang unang pagkakataon na nakakuha sila ng gintong Medalya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coach Alsimar Hajan, sinabi niya na halos isang taon nilang pinaghandaan ang CAVRAA 2025 kaya naman napawi ang lahat ng kanilang pagod at sakripisyo dahil sa tagumpay ng kanilang mga manlalaro.

Sa ngayon ay mayroon na silang 2 gold, 4 Silver at 2 Bronze sa swimming category.

Nagkaroon aniya sila ng mahigit isang buwan na in-house training para sa 36 swimmer’s ng SDO Ilagan dahil target nilang higitan ang performance nila noong nakaraang CAVRAA.

Aminado naman si Coach Hajan na malaking hamon para sa mga atleta na pagsabayin ng kanilang academics at training ngunit ipinagpapasalamat nito na mayroong magandang ugnayan ang pamunuan ng mga paaaralan kung saan galing ang mga atleta upang matiyak na hindi sila mapag-iwanan.

Samantala, mayroon umanong training plan na binuo ang SDO City of Ilagan na siyang sinundan ng mga Coaches at Atleta upang matiyak na maging maayos ang kanilang paghahanda.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coach May Ann Acierto, sinabi niya na kahit hindi naka-inhouse ang mga swimmers ay tumatalima ang mga ito sa oras ng training.

Malaking bagay din ang ipinakitang suporta ng mga magulang ng mga swimmers sa paghahanda ng mga ito sa CAVRAA dahil kung minsan ay nagbibigay pa ang mga ito ng pagkain para sa mga ateleta.