CAUAYAN CITY- Kumpiyansa ang Schools Division Office of Isabela (SDO Isabela) na muli nilang masusungkit ang kampeonato sa nagpapatuloy na Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) Meet 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sports Coordinator Manolo Bagunu ng SDO Isabela, sinabi niya na batay sa huling ipinalabas na partial unofficial result ng pamunuan ng CAVRAA ay lamang pa rin sila ng ilang medalya kung ikukumpara sa ibang delegasyon.
Batay sa kanilang monitoring, marami pa silang mga medlaya mula sa iba’t ibang kompetisyon ang hindi pa naisasali sa inisyal na resulta.
Karamihan sa mga laro na hindi pa natatapos ay ang mga team events na mayroon lamang katumbas na isang medalya bawat laro kaya nakasisigruo siya na malaki ang magiging lamang nila lalo na at dinomina nila ang karamihan sa mga individual event.
Mayroon na aniyang allocated na mga incentives mula sa Pamahalaan Panlalawigan ng Isabela para sa mga atleta na makakasungkit ng medalya ngunit dahil sa natapat sa panahon ng pangangampanya ang CAVRAA ay maaari itong maudlot ngunit tiniyak naman niya na ito ay maibibigay sa mga atleta.