Nanawagan ang Federation of Free Farmers (FFF) sa pamahalaan na agad paigtingin ang paghahanda laban sa inaasahang paglala ng epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan upang mabawasan ang pinsalang maaaring idulot nito sa sektor ng agrikultura.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers (FFF), sinabi nitong batay sa mga eksperto ay nasa unang yugto pa lamang ang nararanasang El Niño at inaasahang mas titindi pa ito sa huling tatlong buwan ng 2026 hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Ayon kay Montemayor, dapat nang tutukan ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng mga water source sa pamamagitan ng pagtatayo ng karagdagang water impounding systems at paglalagay ng mga solar at iba pang irrigation pumps upang matiyak ang sapat na patubig sa mga sakahan.
Sinabi rin niyang may mga lalawigan na, kabilang ang ilang bahagi ng Cagayan Valley, ang nakaranas na ng kakulangan sa tubig at nagdeklara pa ng state of calamity, dahilan upang igiit niya ang agarang paghahanda lalo na sa mga lugar na madaling maapektuhan ng tagtuyot. Aniya, maaari ring hikayatin ang mga magsasaka na pansamantalang magtanim ng mga pananim na hindi gaanong nangangailangan ng tubig gaya ng munggo at iba pang root crops.
Dagdag pa ni Montemayor, mahalaga ring matiyak ang sapat na suplay ng pagkain habang hindi pa lumalala ang epekto ng El Niño dahil bagama’t inaasahang magiging mataas ang produksyon ng palay ngayong taon, nananatili namang mataas ang presyo ng abono at produktong petrolyo na may malaking epekto sa gastos ng mga magsasaka at mangingisda.











