--Ads--

Isinasailalim sa in-tape interview at assessment ang bawat ulat ng pang-aabuso pang-aabuso laban sa mga bata upang matukoy kung ligtas pang manatili ang biktima sa kanilang tahanan, ayon sa isang child protection worker.

Sa ginagawang assessment ay sinusuri ang kalagayan ng pamilya kabilang ang living condition ng bata at kung may umiiral pa ring banta sa kanyang kaligtasan. Mahalaga rin umanong matukoy kung kamag-anak o kasama mismo sa bahay ang itinuturong perpetrator dahil maaaring kailanganing ilayo muna ang bata sa pamilya para sa kanyang seguridad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jasmin Joy Bulusan, social worker, sinabi nito na tinitingnan din nila ang agarang pangangailangan ng bata gaya ng medical examination, psychological intervention at psychosocial support upang matulungan itong makabangon mula sa tromatikong karanasan.

Kasama rin umano sa kanilang tungkulin ang pag-asiste sa pamilya at biktima sa legal na proseso mula sa paghahain ng kaso hanggang sa pagtatapos nito. Patuloy din silang nagbibigay ng psychological intervention habang tumatakbo ang kaso upang matulungan ang bata na makayanan ang epekto ng insidente.

--Ads--