Posibleng lumakas pa ang panawagan para sa pagtaas ng pamasahe dahil sa patuloy na pagmahal ng produktong petrolyo, ayon sa IBON Foundation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Jose Enrique “Sonny” Africa ng IBON Foundation, sinabi nitong direktang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis ang maliliit na transport operator kaya maaaring mapilitan silang humiling ng dagdag-pasahe upang matugunan ang tumataas na gastusin.
Iginiit ni Africa na dapat kumilos ang pamahalaan upang makontrol ang presyo ng petrolyo at palakasin ang suporta sa mga sektor na apektado ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mas malaking pondo para sa agrikultura upang mapalakas ang lokal na produksyon ng pagkain, mabawasan ang pagdepende sa imported na produkto at makatulong sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin.Nanawagan naman ang IBON Foundation sa pamahalaan na ituon ang prayoridad sa pambansang budget sa kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino at sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya.









