Matinding dagok sa kabuhayan ng mga nagtitinda ng karne ng baboy sa Alicia, Isabela ang malaking pagbagsak ng kanilang bentahan bunsod umano ng pangamba ng mga mamimili sa African Swine Fever o ASF.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Angelica Protacio, vendor ng karne ng baboy sa bayan, sinabi niya na kapansin-pansin ang pagbaba ng kanilang benta kasunod ng pagkalat ng balita tungkol sa mga kaso ng ASF sa lugar.
Aniya, mula sa dating umaabot sa tatlong baboy ang kanilang naibebenta, isa na lamang ngayon ang karaniwang nauuwi sa kanilang benta, dahilan upang malaki ang ibinaba ng kanilang kita.
Bukod sa nabawasang mamimili, naapektuhan din umano ang kanilang merkado nang ipagbawal ang ilang rolling vendors na naglalako ng karne sa mga barangay bilang bahagi ng mga hakbang para makontrol ang ASF.
Dahil sa paghina ng demand, bumagsak din umano ang presyo ng karne ng baboy mula sa dating ₱300 hanggang ₱320 kada kilo, at nasa ₱250 kada kilo na lamang ngayon.
Upang hindi tuluyang malugi sa mga karne na hindi naibebenta, napipilitan ang ilang nagtitinda na iproseso ang mga ito bilang longganisa upang magkaroon pa rin ng kita.
Samantala, tiniyak ni Protacio sa mga mamimili na ligtas umano ang kanilang paninda dahil nagmumula ito sa mga farm at hindi sa backyard raisers.
Nanawagan din siya sa publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang produkto, lalo na ang mga karne na dumaan umano sa kinakailangang pagsusuri upang matiyak na walang ASF.










