Ipinaliwanag ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela kung bakit hindi maaaring magtakda ng iisang farm gate price para sa live weight ng baboy sa buong lalawigan.
Ito ay kasunod ng panawagan ng mga hog raisers sa Benito Soliven, Isabela na itaas ang umiiral na ₱110 kada kilo na live weight ng baboy, sa isinagawang public consultation ng Sangguniang Panlalawigan kahapon, Oktubre 5.
Ayon kay Board Member Jonathan Calderon ng ikalimang distrito ng Isabela, walang kapangyarihan ang Sangguniang Panlalawigan na magtakda ng provincial rate para sa presyo ng livestock, dahil nakatalaga ito sa Department of Agriculture at maaari lamang i-adapt sa municipal level.
Gayunman, nakikipag-ugnayan na umano ang pamahalaang panlalawigan sa national government upang makahanap ng mga hakbang na makatutulong na maibsan ang pagkalugi ng mga hog raisers.
Ayon naman sa mga hog raisers, magkakaiba ang presyo ng live weight ng baboy sa bawat bayan sa Isabela kaya mas mainam umano kung magkakaroon ng iisang farm gate price sa buong lalawigan.
Sa ganitong paraan, hindi na umano kinakailangang mamili pa ng mga buyer kung saang bayan bibili ng baboy.
Dahil dito, iminungkahi ni Isabela Vice Governor Kiko Dy na sa halip na magtakda provincial rate, gumawa na lamang ng joint resolution ang mga bayan upang magkaroon ng iisang farm gate price para sa live weight ng baboy.











