Arestado naman ang Tatlong indibidwal, kabilang ang isang 16-anyos na menor de edad sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok 4, Barangay Vista Alegre, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa kanilang mga alyas na Sonny, 16-anyos at estudyante; Ritz, 18-anyos; at JJ, 22-anyos at estudyante na lahat ay residente ng Barangay District 4 sa naturang bayan.
Ayon sa ulat, matagumpay na nakabili ang poseur-buyer ng isang sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may bigat na 50 gramo at nagkakahalaga ng ₱6,000 mula sa mga suspek, na nagsilbing hudyat para sa kanilang agarang pag-aresto.
Sa kabuuan, umabot sa 650 gramo ng hinihinalang marijuana na may tinatayang street value na ₱78,000 ang nasamsam sa operasyon. Kabilang dito ang anim na resealable plastic sachet na naglalaman ng karagdagang 600 gramo ng hinihinalang marijuana.
Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PDEA NVPPO-RO2, PDEA Mountain Province, PNP Drug Enforcement Group-SOU2 at Bayombong Police Station.
Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga kinatawan mula sa Department of Justice, media at barangay, alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, ang kaso ng menor de edad ay isasailalim sa naaangkop na proseso alinsunod sa umiiral na batas para sa mga batang nasasangkot sa paglabag sa batas.
--Ads--











