--Ads--

Arestado na ang 17-anyos na suspek sa kasong rape with homicide matapos matagpuang patay ang isang 14-anyos na dalagita sa comfort room ng Information Center Tourism Building sa bayan ng Kasibu, Nueva Vizcaya noong ika-13 ng Hunyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Lloyd Guillermo, Chief of Police ng Kasibu Police Station, sinabi nito na mabilis nilang natukoy ang suspek matapos ang isinagawang imbestigasyon at pangangalap ng mga pahayag mula sa mga saksi at mga kaanak ng biktima.

Ayon kay PCapt. Guillermo, magkasama umanong nagtungo ang biktima at suspek sa lugar kung saan kalaunan ay natagpuan ang walang buhay na dalagita.

Lumabas sa imbestigasyon na hinahanap na ng pamilya ang biktima bago pa ito matagpuan. Isang kamag-anak umano ang nakakita sa suspek sa lugar kung saan madalas magtungo ang biktima at kalaunan ay naiulat ito sa mga awtoridad.

--Ads--

Sa tulong ng mga kaanak at mga opisyal ng barangay, natunton at naaresto ang suspek bago ito itinurn-over sa pulisya.

Batay sa isinagawang pagsusuri ng Municipal Health Office, nagpositibo umano sa presensya ng semilya ng lalaki ang biktima.

Ayon pa kay PCapt. Guillermo, inamin ng suspek ang krimen at sinabi umanong nagkaroon sila ng pagtatalik ng biktima at natakot siyang ipagsumbong ito sa kanyang mga magulang kaya nauwi sa pagpatay ang insidente.

Nabatid na kapwa sila magpinsan dahil magkapatid ang ama ng biktima at ina ng suspek.

Wala naman umanong naitalang anumang kriminal na rekord ang suspek bago ang insidente.